Mga Bata At Kabataan (#4384)

Purihin ka nawa, O Panginoon aking Diyos! Magiliw na ipahintulot na ang sanggol na ito ay mapakain buhat sa dibdib ng Iyong mapagmahal na kahabagan, at madamaying kalinga at maging malusog sa bunga ng Iyong makalangit na mga punong-kahoy. Huwag siyang ipahintulot na pangalagaan ng sinuman maliban sa Iyo, yamang Ikaw, sa Iyong Sarili, sa tulong ng lakas ng Iyong pinakadakilang kagustuhan at kapangyarihan ay nagawang malikha at tawagin siya sa pagkabuhay. Walang ibang Diyos maliban sa Iyo, ang Pinakamakapangyarihan, ang Nakaaalam ng Lahat.

Purihin Ka, O aking Pinakamamahal, ipasamyo sa kaniya ang matamis na linamnam ng Iyong nangingibabaw na kagandahang-loob at ng mga halimuyak ng Iyong banal na pagpapala. Gawin sana niya kung gayon na hanapin ang kanlungan sa ilalim ng Iyong pinakadakilang Pangalan, O Ikaw na Siyang may tangan sa kaharian ng mga pangalan at mga katangian. Tunay na Ikaw ay may kapangyarihan ng gawin ang anumang Iyong nais, at Ikaw sa katunayan ang Malakas, ang Dakila, ang Laging Nagpapatawad, ang Magiliw, ang Mapagkaloob, ang Maawain.

-Bahá'u'lláh
-----------------------

Mga Bata At Kabataan (#4401)

Luwalhati Ka nawa, O Panginoon kong Diyos! Nagpapasalamat ako sa Iyo dahil nilikha Mo ako sa Iyong mga araw, at isinalin Mo sa akin ang Iyong pag-ibig at ang Iyong kaalaman. Nagsusumamo ako sa Iyo, sa Iyong pangalan na sa pamamagitan nito ang mabubuting mga perlas ng Iyong karunungan at Iyong mga salita ay inilabas mula sa mga kabanyaman ng mga puso nilang mga tagapaglingkod Mo na malalapit sa Iyo, at sa pamamagitan nito ang Pamimitak ng Iyong pangalan, ang Mapagmalasakit, ay nagbigay ng liwanag sa lahat ng nasa Iyong kalangitan at sa ibabaw ng Iyong lupa, na ipagkaloob sa akin sa pamamagitan ng Iyong biyaya at pagpapala, ng Iyong kamangha-mangha at natatagong mga biyaya.

Ito ang pinakamaagang mga araw ng aking buhay, O aking Diyos, na iniugnay Mo sa Sarili Mong mga araw. Ngayon na pinagkablooban Mo ako ng gayong kalaking karangalan, huwag Mong ipagkait sa akin yaong mga bagay na itinalaga Mo para sa Iyong mga napili.

Ako, O aking Diyos, ay isa lamang napakamunting binhi na itinanim Mo sa lupa ng Iyong pag-ibig, at tinulutang umusbong sa pamamagitan ng kamay ng Iyong pagpapala. Ang binhi na ito ay nagnanais, kung gayon, mula sa kaniyang kaibuturan, ng mga tubig ng Iyong Awa at ng nabubuhay na bukal ng Iyong pagpapala. Ipagkaloob sa kaniya, buhat sa langit ng Iyong mapagmahal na kagandahang loob, yaong makapagpapayabong sa kaniya sa lilim ng Iyong anino at sa loob ng mga hangganan ng Iyong liwasan. Ikaw ang Siyang nagdidilig sa mga puso ng lahat ng kumilala sa Iyo buhat sa Iyong masaganang sapa at buhat sa bukal ng Iyong nabubuhay na mga tubig.

Purihin ang Diyos, ang Panginoon ng mga daigdig.

-Bahá'u'lláh
-----------------------

Mga Bata At Kabataan (#4385)

O ikaw na walang kahambing na Panginoon! Tulutang maalagaan ang pasusuhing sanggol na ito mula sa dibdib ng Iyong mapagmahal na kabutihang-loob, bantayan siya sa loob ng duyan ng Iyong kaligtasan at pangalagaan at ipahintulot na siya ay mapalaki sa mga bisig ng Iyong magiliw na pagmamahal.

-`Abdu'l-Bahá
-----------------------

Mga Bata At Kabataan (#4386)

O Diyos! Palakihin ang munting sanggol na ito sa sinapupunan ng Iyong pag-ibig at bigyan siya ng gatas buhat sa dibdib ng Maykapal. Alagaan ang sariwang halamang ito sa hardin ng rosas ng Iyong pag-ibig at tulungan siyang lumaki sa pamamagitan ng mga ambon ng Iyong pagpapala. Gawin siyang isang anak ng Kaharian at akayin siya tungo sa Iyong banal na daigdig. Ikaw ay makapangyarihan at maawain, at Ikaw ang Tagapagbigay, ang Tagapagkaloob, na ang mga pagpapala ay higit sa lahat!

-`Abdu'l-Bahá
-----------------------

Mga Bata At Kabataan (#4387)

O Diyos! Turuan ang mga batang ito. Ang mga batang ito ang mga pananim sa Iyong Taniman, ang mga bulaklak sa Iyong parang, ang mga rosas sa Iyong hardin. Bayaang ang Iyong ulan ay pumatak sa kanila; bayaang ang Araw ng Katotohanan ay sumikat sa kanila lakip ang Iyong pag-ibig. Bayaang ang Iyong simoy ang magpasariwa sa kanila upang sila’y masanay, lumaki at lumusog at magkaroon ng anyong sukdulang ganda. Ikaw ang Tagapagbigay! Ikaw ang Mahabagin!

-`Abdu'l-Bahá
-----------------------

Mga Bata At Kabataan (#4388)

O Ikaw na matulunging na Pangnoon! Ang mga kaibig-ibig na mga batang ito ay gawang-kamay ng mga daliri ng Iyong lakas at ang kahanga-hangang mga tanda ng Iyong kadakilaan. O Diyos! Pangalagaan ang mga batang ito, magiliw na tulungan silang maturuan upang sila ay makapaglingkod sa daigdig ng sangkatauhan. O Diyos! Ang mga batang ito ay mga perlas, hayaan silang maalagaan sa loob ng kabibi ng Iyong mapagkandiling pagmamahal.

Ikaw ang Mapagbigay, ang Mapagmahal sa Lahat.

-`Abdu'l-Bahá
-----------------------

Mga Bata At Kabataan (#4389)

O Panginoon! Gawin ang mga batang ito na maging napakagaling na mga halaman. Hayaan silang lumaki at yumabong sa Hardin ng Iyong Banal na Kasunduan, at ipagkaloob ang kasariwaan at kagandahan sa tulong ng mga ulan ng mga ulap sa Kahariang Abhá.

O Ikaw na matulunging Panginoon! Ako ay isang maliit na bata, itaas ako, sa pagtanggap sa akin sa kaharian. Ako ay makalupa, gawin akong makalangit; ako ay nasa daigdig sa ibaba, hayaan akong mabilang sa kaharian sa kaitaasan; mapanglaw, pahintulutan akong maging makinang; makalupa, gawin akong makalangit, at ipahintulot na aking maipamalas ang Iyong walang hanggang kagandahang-loob.

Ikaw ang Makapangyarihan, ang Mapagmahal sa Lahat.

-`Abdu'l-Bahá
-----------------------

Mga Bata At Kabataan (#4390)

Siya ay Diyos! O Diyos, aking Diyos! Pagkalooban Mo ako ng isang dalisay na puso, na tulad ng isang perlas.

-`Abdu'l-Bahá
-----------------------

Mga Bata At Kabataan (#4391)

O Diyos, patnubayan Mo ako, pangalagaan Mo ako, pagningasin ang tanglaw ng aking puso at gawin Mo akong isang maningning na bituin. Ikaw ang Malakas at Makapangyarihan.

-`Abdu'l-Bahá
-----------------------

Mga Bata At Kabataan (#4392)

O aking Panginoon! O aking Panginoon!

Ako ay isang batang may murang  gulang. Pasusuhin Mo ako sa dibdib ng Iyong kahabagan, sanayin Mo ako sa pinakapuso ng Iyong pag-ibig, turuan Mo ako sa paaralan ng Iyong pamamatnubay at paunlarin Mo ako sa lilim ng anino ng Iyong pagpapala! Iligtas Mo ako buhat sa kadiliman, gawin Mo akong isang maningning na liwanag; palayain Mo ako buhat sa kawalang-galak, gawin Mo akong isang bulaklak sa halamanan ng rosas; tulutan Mo akong maging tagapaglingkod sa Iyong Pintuan at ipagkaloob Mo sa akin ang kaisipan at kaugalian ng mga matuwid; gawin Mo akong isang dahilan ng pagpapala sa daigdig ng tao at putungan Mo ako ng korona ng walang hanggang buhay!

Tunay na Ikaw ang Malakas, ang Makapangyarihan, ang Nakakikita, ang Nakaririnig!

-`Abdu'l-Bahá
-----------------------

Mga Bata At Kabataan (#4393)

O Panginoon! Paningningin ang kabataan ito, at ipagkaloob ang Iyong biyaya sa kahabag-habag na nilikhang ito. Ipagkaloob sa kaniya ang karunungan, bigyan siya ng karagdagang lakas sa simula ng bawat araw at tanuran siya sa lilim ng Iyong pangangalaga upang maligtas siya sa kamalian, ng maihandog niya ang kaniyang sarili sa paglilingkod sa Iyong Kapakanan, mapatnubayan ang mga naliligaw ang landas, maakay ang mga sawimpalad, mapalaya ang mga bihag at magising ang mga pabaya, nang ang lahat ay pagpalain sa Iyong pag-alaala at papuri. Ikaw ang Malakas at Makapangyarihan.

-`Abdu'l-Bahá
-----------------------

